|
||||||||
|
||
Sinang-ayunan kahapon ng Tsina at Britanya na i-angat ang ugnayan ng dalawang bansa sa "pandaigdig na komprehensobing estratehikong partnership" sa ika-21 siglo, mula sa "komprehensibong estratehikong partnership."
Nag-usap kahapon sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Punong Ministro David Cameron sa 10 Downing Street sa London, Britanya.
Nagkamay sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina (sa kanan) at Punong Ministro David Cameron, sa 10 Downing Street, London, Britanya. Larawang kinunan noong Oct. 21, 2015. (Xinhua/Ju Peng)
Sina Pangulong Xi Jinping (ika-3 sa kanan) at Punong Ministro David Cameron (ika-4 sa kaliwa) habang nag-uusap, sa 10 Downing Street, London, Britanya. Larawang kinunan noong Oct. 21, 2015. (Xinhua/Ju Peng)
Pagsusuporta sa isa't isa
Sa preskon pagkaraan ng pag-uusap, sinabi ni Pangulong Xi na sumang-ayon ang Tsina't Britanya na buksan ang ginintuang panahon ng pangmatagalan, inklusibo at win-win na relasyon.
Samantala, ipinangako ng panig Britaniko na magiging pinakamabuting kaibigan at pinakabukas na partner ng Tsina sa mga bansang kanluranin. At nakahanda rin ang Britanya na palawakin ang pakikipagtulungan nito sa Tsina sa larangan ng pinansya, enerhiya, malikhaing industriyang (creative industry), visa policy at iba pa. Ipinahayag din ni Cameron ang suporta ng Britanya sa Tsina para marating ang kasunduan sa malayang kalakalan sa pagitan ng Tsina at Unyong Europeo.
Sinabi naman ni Xi na hihikayatin ng Tsina ang mga bahay-kalakal nito na mamuhunan sa north England. Muli rin niyang pinasalamatan ang Britanya bilang unang bansang kanluranin na sumapi sa Asian Infrastructure Investment Bank.
Sina Pangulong Xi Jinping (sa kaliwa) at Punong Ministro David Cameron (sa kanan) habang humaharap sa media pagkaraan ng kanilang pag-uusap sa 10 Downing Street, London, Britanya. Larawang kinunan noong Oct. 21, 2015. (Xinhua/Ju Peng)
Mga kasunduang pangkooperasyon
Pagkatapos ng kanilang pag-uusap, tumayong-saksi sina Xi at Cameron sa paglalagda ng mga dokumentong pangkooperasyon ng dalawang bansa sa larangan ng pinansya, adwana, pagtutulungan ng mga pamahalaang lokal, bagong industriya at sustenableng pag-unlad.
Kapansin-pansin sa nasabing mga dokumento ang kasunduan hinggil sa proyekto ng Hinkley Point Nuclear Power Station sa timog ng England. Magkakasamang itatayo ng Tsina at Pransya ang nasabing nuclear power station. Ayon kay Cameron, ang itatayong istasyon ay magkakaloob ng maaasahan at murang enerhiya sa halos 6 na milyong pamilya at makakalikha ng 25,000 trabaho.
Sina Pangulong Xi Jinping (sa kaliwa) at Punong Ministro David Cameron (sa kanan) habang tumatayong-saksi sa paglalagda ng mga dokumentong pangkooperasyon pagkatapos ng kanilang pag-uusap sa 10 Downing Street, London, Britanya. Larawang kinunan noong Oct. 21, 2015. (Xinhua/Ju Peng)
Tagapagsalin/Tagapag-edit: Jade
Tagapagpulido: Rhio
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |