|
||||||||
|
||
MGA RESOLUSYON NG MGA MANGANGALAKAL, IBIBIGAY KAY PANGULONG AQUINO. Tiniyak ni dating Ambassador Donald Dee na ibibigay nila ang mga resolusyong maiipon sa 41st Philippine Business Conference and Exposition sa Lunes at Martes kay Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III. Kasama rito ang kahilingang ipasa ang mga panukalang batas na nabibimbin sa Kongreso at Senado. (Melo M. Acuna)
PAG-UUSAPAN sa susunod na Lunes at Martes, ika-26 at ika-27 ng Oktubre, ang mga problema ng mga mangangalakal sa Pilipinas sa ika-41 Philippine Business Conference and Expo sa Grand Ballroom ng Marriot Hotel sa Pasay City.
Sa isang press briefing, sinabi nina G. Alfredo Yao (pangulo ng Philippine Chamber of Commerce and Industry) na katatampukan ito ng mga kinatawan ng may 112 chapter at 39 na business councils at higit sa 100 asosasyon ng mga mangangalakal mula sa buong bansa.
Nakatakdang magsalita sa unang araw ng pulong si Vice President Jejomar C. Binay sa kahalagahan ng pagtutulungan upang makatugon sa global competitiveness. Kasama ring magsasalita sina Philip Kucharski, ang Chief Operating Officer ng International Chamber of Commerce. Panauhin din si Minister of Commerce and Industry Rishad Bathuideen ng Sri Lanka.
Sa ikalawang araw, sa hapunan, darating si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na siyang panauhing pandangal.
Ibibigay ng bumubuo ng pamunuan ng Philippine Chamber of Commerce and Industry ang kanilang mga resolusyong mula sa mga talakayan sa unang dalawang araw na pagpupulong.
Sinabi nina dating Ambassador Donald Dee na kanilang pagsusuri, "work-in-progress" ang mga resolusyong ibinigay kay Pangulong Aquino noong nakalipas na taon sa pagpupulong sa Manila Hotel.
Ipinaliwanag niya na sa lahat ng mga pamahalaan mula pa noong panahon nina Pangulong Fidel V. Ramos, Joseph E. Estrada, Gloria Macapagal-Arroyo at maging kay Pangulong Aquino ay pawang 40% lamang ang natutupad.
Kailangang maipasa ang Customs Modernization Act, pagbuo ng Department of Information and Communication Technology, Public Private Partnership Act, Energy Reduction Act, Income Tax Reform Act at Plastic Bags Act at pagpayag na gumamit ng incenterators sa mga pamahalaang local.
Isang problema pa ang pagkakaroon ng mga programang hindi naman naipatutupad, tulad ng pagbabawal sa mga mapapanganib na kemikal. Hindi naman maipatupad ang mga programang ito dahil sa kakulangan ng mga tauhan tulad halimbawa ng Food and Drug Administration.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |