|
||||||||
|
||
Muling ipinahayag kahapon ni Ye Htut, Tagapagsalita ng Pangulo ng Myanmar sa kanyang Facebook account na ipinangako na ni Pangulong Thein Sein na kapuwa igagalang ng pamahalaan at militar ang resulta ng katatapos na pambansang halalan.
Nagpalabas ng pahayag nang araw ring iyon ang National League for Democracy (NLD), pinakamalaking partido oposisyon na pinamumunuan ni Aung San Su Kyi. Anito, binati na ni Thein Sein ang NLD sa pagkuha ng higit na karamihang puwesto ng Parliamento.
Kaugnay ng kahilingan ni Aung San Su Kyi na makikipagtagpo sa pangulo, ispiker ng Parliamento at commander-in-chief ng National Defense Forces para maisakatuparan ang mga hangarin ng mga mamamayan sa pamamagitan ng halalan, nagpalabas kahapon ng pahayag ang palasyo ng Pangulo na nagsasabing idaraos ang pagtatagpo makaraang ilabas ang pinal na resulta ng halalan.
Ayon sa pinakahuling datos, ang NLD ay nakatamo ng 536 sa kabuuang 627 puwestong parliamentaryo sa katatapos na pambansang halalan.
Idinaos ang pambansang halalan ng Myanmar noong ika-8 ng Nobyembre.
Sa kabuuan, 6,038 kandidato mula sa 91 partido pulitikal at 310 independent candidates ang tumakbo para sa mahigit 1,000 puwesto sa House of Representatives (Mababang Kapulungan), House of Nationalities (Mataas na Kapulungan) at mga Parliamentong Panrehiyon at Pang-estado ng bansa.
Kapuwa ang naghaharing Union Solidarity and Development Party (USDP) at NLD ay mayroong kani-kanilang mahigit 1,100 kandidato sa halalan.
Tagapagsalin/Tagapag-edit: Jade
Tagapagpulido: Mac
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |