Nagtagpo kahapon sa Jinghong ng lalawigang Yunnan ng Tsina sina Wang Yi, Ministrong Panlabas ng Tsina, at kanyang counterpart na si Wunna Maung Lwin ng Myanmar.
Sinabi ni Wang na ikinagagalak ng panig Tsino ang tagumpay at maayos na pagdaraos ng pambansang halalan sa Myanmar noong nagdaang Linggo. Sinabi pa ni Wang na umaasa ang panig Tsino na pananatilihin ng Myanmar ang katatagan ng kalagayan, maharmonyang pakikipamuhayan ng iba't ibang lahi sa isa't isa, kaunlaran ng kabuhayan at pagkakaisa ng mga partido at samahan. Ito aniya ay para hanapin ang isang landas ng pag-unlad na nakatugon sa tunay na kalagayan ng Myanmar. Dagdag pa niya, patuloy na magkakaloob ang Tsina ng mga tulong at pagkatig para sa pag-unlad ng Myanmar.
Tinukoy din ni Wang na ang mapagkaibigang relasyong may mutuwal na kapakinabangan ng Tsina at Myanmar ay angkop sa pundamental na kapakanan ng dalawang bansa at kanilang mga mamamayan.
Pinasalamatan ni Wunna Maung Lwin ang paggalang ng Tsina sa kabuuan ng soberanya at teritoryo ng kanyang bansa at pagbibigay-tulong sa pagbabago ng estrukturang pulitikal, pag-unlad ng kabuhayan, at mga gawaing paglaban sa kalamidad ng baha.
Sinabi naman ni Wunna Maung Lwin na di-babaguhin ng Myanmar ang patakaran sa pagpapahigpit ng mga kooperasyon at mapagkaibigang relasyon sa Tsina. Aniya pa, patuloy na pasusulungin at patatatagin ng kanyang bansa ang mapagkaibigang relasyong pangkooperasyon sa Tsina.