|
||||||||
|
||
Paris, Pransya--Ang Ika-21 Taunang Conference of the Parties (COP21) ng 1992 United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC) ay idinaraos mula ika-29 ng Nobyembre hanggang ika-11 ng Disyembre, 2015. Kalahok dito ang humigit-kumulang 10,000 kinatawan mula sa 195 bansa, Unyong Europeo, at mga organisasyong di-pampamahalaan. Kabilang sa mga kalahok ang 147 Puno ng Estado at Puno ng Pamahalaan na kinabibilangan ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina.
Kasunduang Legally Binding at Bagay sa Iba't Ibang Panig, inaasahan ng Pransya
Bilang punong-abala ng Komperensiya, umaasa ang Pransya na mararating ng mga kalahok ang bagong kasunduang pandaigdig sa pagbabawas ng emisyon na may legal binding at mababagay sa iba't ibang panig. Isa sa mga pangunahing paksa ng Komperensya ay ang pagkontrol sa temperatura ng daigdig na hindi lalampas sa 2 degree Celsius kumpara noong 1850s, simula ng Ikalawang Industrial Revolution. Inaasahan din ng Pransya na mapagkakasunduan ng mga kalahok ang hinggil sa pangangasiwa sa pagbabago ng klima ng daigdig pagkaraan ng 2020, na gaya ng responsibilidad na dapat isabalikat ng iba't ibang panig.
Tulong na pinansyal at teknikal ng mga maunlad na bansa sa mga umuunlad
Sa katatapos na Pulong na Preparatoryo para sa COP21, ipinagdiinan ni Laurent Fabius, Chair ng COP21 ang pagkakaloob ng ipinangakong tulong na pinansyal at teknikal ng mga maunlad na bansa sa mga umuunlad. Idinagdag pa niyang kung wala ang nasabing mga tulong, hindi maisasakatuparan ng buong daigdig ang target sa pagkontrol sa temperatura at magkaroon ng low-carbon na pag-unlad.
Napag-alamang noong 2009 Copenhagen UN Climate Change Conference, ipinangako ng mga maunlad na bansa na sa 2020, ipagkakaloob nila ang taunang 100 bilyong dolyares na tulong na pinansyal para tulungan ang mga umuunlad na bansa sa pagharap sa pagbabago ng klima. Pero, noong 2013 at 2014, umabot lamang sa 52 bilyon at 62 bilyong dolyares ang nasabing taunang tulong na pinansyal ayon sa pagkakasunod.
Mga Pangunahing Kasunduang Pandaigdig
Noong 1979, sa Unang World Climate Conference sa Geneva, Switzerland, inilunsad ang World Climate Research Programme na nasa magkakasamang pagtataguyod ng World Meteorological Organization (WMO), United Nations Environment Programme (UNEP), at International Council of Scientific Unions (ICSU).
Noong 1988, itinatag ang Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC) na namamahala sa pagtasa sa kaalaman hinggil sa, at epekto ng pagbabago ng klima.
Noong 1990, kinumpirma ng unang IPCC report ang global warming at ang responsibilidad ng mga tao sa penomenang ito.
Noong 1992, narating ng mga kalahok ang United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC).
Noong 1997, ayon sa Kyoto protocol, hanggang sa 2012, kailangang bawasan ng daigdig ng humigit-kumulang 5% ang emisyon kumpara lebel noong 1990, at itinakda rin ng mga maunlad na bansa ang kani-kanilang target sa pagbabawas ng emisyon.
Noong 2009 sa Copenhagen Climate Conference, sinang-ayunan ng mga maunlad na bansa na ipagkaloob ang taunang 100 bilyong dolyares na tulong na pinansyal para tulungan ang mga umuunlad na bansa sa pagharap sa pagbabago ng klima.
Noong 2011 sa Durban Climate Change Conference, napagkasunduan ng mga kalahok na sa 2015 mararating ang isang legally binding deal na sasang-ayunan ng lahat ng mga bansa. Inaasahang magkakabisa ang nasabing deal sa 2020.
Pagsisikap ng Tsina
Kaugnay ng responsibilidad ng Tsina bilang tugon sa pagbabago ng klima ng daigdig, sa press briefing bago magtungo si Pangulong Xi sa Paris, sinabi ni Liu Zhenmin, Pangalawang Ministrong Panlabas ng Tsina na naisumite na ng Tsina ang sarili nitong "Intended Nationally Determined Contribution" (INDC), kasama ng iba pang mahigit 150 miyembro ng UNFCCC. Batay rito, sa 2030, mababawasan ng Tsina ng 60-65% ang dioxide emissions per unit ng gross domestic product (GDP) ng bansa kumpara sa emisyon noong 2005.
Sa babalangkasing Pambansang Panlimahang Taong Plano(2016-2020), nakahanda rin aniya ang Tsina na pasulungin ang mas sustenable at balanseng pag-unlad ng kabuhayan na nagtatampok sa low-carbon, green energy at pagtitipid sa enerhiya.
Kasabay nito, ipinatalastas din ng Tsina ang pagtatatag ng 20-bilyong-yuan na South-South Cooperation Fund para tulungan ang iba pang mga umuunlad na bansa sa pagtugon sa pagbabago ng klima.
Tagapagsalin/Tagapag-edit: Jade
Tagapagpulido: Rhio
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |