Idinaos kahapon sa Pretoria, South Africa, ang Ika-6 na Pulong Ministeryal ng Forum on China-Africa Cooperation. Kalahok sa pulong ang mga ministrong namamahala sa suliraning panlabas at pangkalakalan ng Tsina at 50 bansang Aprikano.
Sinabi sa pulong ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina na sa gagawing Summit ng Forum on China-Africa Cooperation, ipapatalastas ni Pangulong Xi Jinping ang mga hakbangin ng pamahalaang Tsino hinggil sa pagpapasulong sa kooperasyong Sino-Aprikano at pagkatig sa pag-unlad ng Aprika sa loob ng darating na 3 taon. Aniya, ipapakita nito ang matibay na determinasyon at matapat na hangarin ng Tsina, para sa pagpapaunlad ng pagkakaibigan at pagtutulungan ng Tsina at mga bansang Aprikano.
Dagdag pa ni Wang, sa kasalukuyan, maganda ang kooperasyon ng Tsina at Aprika sa limang pangunahing larangang kinabibilangan ng pamumuhunan, pagbibigay-tulong, integrasyong Aprikano, people-to-people exchange, at kapayapaan at katiwasayan ng Aprika. Sinabi rin niyang ang taong ito ay ika-15 anibersaryo ng pagkakatatag ng Forum on China-Africa Cooperation, at sa okasyong ito, kailangang buuin ng dalawang panig ang bagong ideya, bagong paraan, at bagong porma hinggil sa pagpapaunlad ng kanilang relasyon at kooperasyon.
Salin: Liu Kai