Sinabi kahapon ni Staffan de Mistura, Espesyal na Sugo ng Pangkalahatang Kalihim ng United Nations (UN) sa Isyu ng Syria, na binabalak niyang tawagin ang iba't ibang paksyon ng Syria para idaos ang talastasang pangkapayapaan sa Geneva sa ika-25 ng susunod na buwan.
Nang araw ring iyon, nagpalabas sa Geneva ng pahayag si De Mistura na nagsasabing pagkaraang pagtibayin ng United Nations Security Council (UNSC) ang resolusyon ng paglutas sa isyu ng Syria sa paraang pulitikal noong ika-18 ng buwang ito, pinabilis niya ang mediyasyon sa pamahalaan at iba't ibang panig ng paksyong oposisyon ng Syria. Binabalak aniyang matapos ang pakikipagsanggunian sa iba't ibang paksyon ng Syria sa unang dako ng susunod na buwan, at idaos ang talastasang pangkapayapaan sa Geneva sa ika-25 ng darating na Enero.
Hinimok niya ang iba't ibang paksyon ng Syria na lubos na magtulungan, upang mapawi ang alitan sa proseso ng pagbibigay-wakas sa napakahirap na situwasyon ng mga mamamayang Syrian. Nanawagan din siya sa iba't ibang lugar ng Syria na iwasan ang pagganap ng mga insidenteng makakasira sa prosesong pulitikal, samantalang patuloy na magbigay ng pagkatig ang komunidad ng daigdig.
Salin: Vera