Ayon sa "Balangkas ng Pagbibigay-tulong ng UN sa Pag-unlad ng Tsina mula 2016 hanggang 2020" na isinapubliko sa Beijing ngayong araw, Enero 12, 2016, sa loob ng darating na limang (5) taon, kakatigan ng mga tanggapan ng UN sa Tsina ang Tsina sa pagsasakatuparan ng target ng pag-unlad sa tatlong (3) estratehikong larangang kinabibilangan ng pagbabawas ng karalitaan at pagpapasulong ng pantay na pag-unlad, pagpapabuti ng kapaligirang ekolohikal at pagpapasulong ng sustenableng pag-unlad, at pagpapalakas ng pakikilahok sa mga suliraning pandaigdig.
Sinabi ni Alain Noudhou, Tagapagkoordina ng UN sa Tsina, na ipinakikita ng naturang balangkas na mula 2016 hanggang 2020, patuloy na palalakasin ng Tsina at mga tanggapan ng UN ang kanilang malakas na partnership. Aniya, sa nasabing 3 larangan, bibigyan ng malaking pansin ang mga mahigpit na hamong dulot ng di-pagkakapantay-pantay, mabilis na urbanisasyon, pagbabago ng estruktura ng populasyon, at paglala ng kapaligiran.
Salin: Li Feng