Ayon sa China News Service, noong Martes, Enero 12, 2016, idinaos sa New York, punong himpilan ng United Nations (UN), ang seremonya ng paglilipat ng tagapangulo ng Group of 77 (G77). Bilang kahalili ng Timog Aprika, ang Thailand ay naging bansang tagapangulo ng G77 sa taong 2016.
Sa naturang seremonya, ipinahayag ni Ministrong Panlabas Don Pramudwinai ng Thailand ang pasasalamat sa pagkatig ng mga kasaping bansa. Ipinangako rin niyang mahigpit na makikipagtulungan sa mga kasaping bansa para maisakatuparan ang kapakanan ng mga umuunlad na bansa.
Ipinahayag ni Liu Jieyi, Pirmihang Kinatawan ng Tsina sa UN, ang pagbati sa Thailand. Sinabi niya na ang Thailand ay isang mahalagang bansa sa Asya, at gumaganap ito ng mahalagang papel sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig. Aniya, lubos na pinahahalagahan ng panig Tsino ang mekanismong pangkooperasyon na "G77 at Tsina," at walang humpay na palalalimin ang pakikipagtulungan sa G77 at mga kasapi nito. Puspusang kakatigan ng panig Tsino ang gawain ng Thailand sa G77, dagdag pa niya.
Salin: Li Feng