MAKAKATULONG ang pagpapasa ng panukalang Bangsamoro Basic Law na nakabimbin sa Kongreso mula noong Setyembre ng 2014, sa pagsugpo ng panganib hindi lamang sa bansa kungdi sa pandaigdigang larangan.
Ito ang sinabi ni Secretary Teresita Quintos Deles ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP).
Sa pagpapasa ng BBL, makikita ng daigdig na ang isang samahan ng mga Muslim ay makapagpaparating ng kanilang mga hinaing at magsusulong ng kanilang interes sa pamamagitan ng lehitimong paraan at democratic political engagement samantalang nananatili ang nasasakupan ng bansa at nilalaman ng Saligang Batas ng hindi nawawala ang kanilang pagkatao at kultura.
Ito ang mensahe ni Secretary Deles sa Regional Consultative Meeting para sa mga pinuno ng mga misyon sa Europa na binuo ng Department of Foreign Affairs sa Maynila.
Si Undersecretary Luisito Montalbo ang nagparating ng mensahe ni Ginang Deles sa mga panauhin. Sa pagpapasa ng BBL, lalabas na mahalaga ito hindi lamang sa Pilipinas kungdi sa buong daigdig sapagkat makikitang iginagalang ng bansa ang pananampalataya ng mga Muslim.