|
||||||||
|
||
GOVERNOR AMANDO TETANGCO, NANINIWALANG MALAKING TULONG ANG AIIB. Sa isang panayam, sinabi ni Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Amando C. Tetangco, Jr. na mapapadali ang pagpapatayo ng mga pagawaing-bayan (infrastructure) sa pagpasok ng Asian Infrastructure Investment Bank. Makakadagdag ito sa karaniwang pinagmumulan ng pondo ng mga bansang kailangang magtayo ng mga pagawaing-bayan tulad ng Pilipinas, ani G. Tetangco. (Melo M. Acuna)
NANINIWALA si Governor Amando M. Tetangco, Jr. ng Bangko Sentral ng Pilipinas na malaki ang magiging papel ng Asian Infrastructure Investment Bank na nakatakdang pasinayaan ngayong linggong ito.
Sa isang panayam, sinabi ni Governor Tetangco na nakita ng Pilipinas ang kahalagahan ng AIIB sa mga pagawaing-bayan kaya't lumagda ang Pilipinas sa huling araw at naging ika-57 kasapi ng bagong inisyatibo sa pamumuno ng Tsina.
Ipinaliwanag pa ni G. Tetangco na mas maraming biyayang matatamo sa pamamagitan ng pagtutulungan sa panig ng technical o financial cooperation.
Ang salaping matitipon ay magagamit para sa mga pagawaing bayan na tutugon sa pangangailangan ng mga bansang tulad ng Pilipinas. Ani Governor Tetangco, ang salapi mula sa AIIB ay maidadagdag sa salaping mula sa ibang traditional sources o multi-lateral institutions.
Malaki rin ang posibilidad na maging kadluan o pagkukunan ng pagka-dalubhasa, partikular sa mga pangawaing-bayan. Malaki ang pakinabang ng bansa sa pagpapa-unlad ng infrastructure sapagkat makatitiyak ang pamahalaan na madaragdagan ang mga kalakal na mula sa ibang bansa.
Kailangang madagdagan ang salaping gagastusin para sa mga pagawaing-bayan upang lumaki ang bahagi nito sa Gross Domestic Product. Unang nabigyan ng prayoridad ng Pilipinas ang transport at power sectors.
Malaki rin ang posibilidad na magtulungan ang Asian Infrastructure Investment Bank at Asian Development Bank sa paglilingkod sa mga nangangailangan ng salapi, dagdag pa ni Governor Tetangco.
Higit na makikinabang ang Pilipinas at mga kalapit bansa sa pagpasok sa rehiyon ng Asian Infrastructure Investment Bank, dagdag pa ni Governor Tetangco.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |