|
||||||||
|
||
Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa seremonya ng pagbubukas ng AIIB
Idinaos kaninang umaga, Sabado, ika-16 ng Enero sa Beijing, ang seremonya ng pagbubukas ng Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB). Lumahok sa seremonya ang mga kinatawan mula sa lahat ng 57 bansang tagapagtatag ng bangkong ito.
Sa kanyang talumpati sa seremonya, ipinahayag ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang pananalig, na sa pamamagitan ng magkakasamang pagsisikap ng mga bansang tagapagtatag, ang AIIB ay magiging propesyonal, epektibo, at malinis na bangkong magtatampok sa multilateral na pagpapaunlad.
Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa seremonya ng pagbubukas ng AIIB
Pinasalamatan ni Xi ang iba't ibang bansang tagapagtatag sa kanilang pagtutulungan, nitong mahigit 2 taong nakalipas, para sa pagtatatag ng AIIB. Aniya, daragdagan ng AIIB ang pamumuhunan sa imprastruktura sa Asya, at pasusulungin ang rehiyonal na connectivity at integrasyong pangkabuhayan. Dagdag ni Xi, pabubutihin din ng AIIB ang kapaligirang pampamumuhunan sa mga umuunlad na bansa sa Asya, at daragdagan ang mga hanapbuhay. Ang mga ito aniya ay magpapasigla sa kabuhayan ng Asya at maging ng daigdig.
Binigyang-diin ni Xi na ang pagtatatag ng AIIB ay makakabuti sa pagrereporma sa pandaigdig na sistema ng pangangasiwa sa kabuhayan, para maging mas makatarungan, makatwiran, at mabisa ang sistemang ito. Tinukoy niyang bukas ang AIIB, at ito ay suplemento sa mga umiiral na multilateral development bank, para magdulot ng bagong sigla sa kasalukuyang multilateral development system.
Sinabi rin ni Xi na bilang bansang nagharap ng mungkahi hinggil sa pagtatatag ng AIIB, kakatigan ng Tsina ang takbo at pag-unlad ng bangkong ito. Ipinatalastas niyang liban sa pondo para sa shareholding, magkakaloob pa ang Tsina ng 50 milyong Dolyares sa special fund for projects preparation na bubuuin ng AIIB.
Salin: Liu Kai
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |