Pagkatapos matiyak ng International Atomic Energy Agency (IAEA), na isinasakatuparan ng Iran ang mga pangakong itinakda sa komprehensibong kasunduan hinggil sa isyung nuklear nito, magkahiwalay na ipinatalastas kahapon ng Amerika at Unyong Europeo (EU) ang pag-aalis ng mga sangsyon sa kabuhayan ng Iran.
Lumagda si Pangulong Barack Obama ng Amerika sa isang kautusan para kanselahin at susugan ang mga sangsyon sa Iran batay sa mga pangako ng Amerika sa nabanggit na kasunduan.
Bukod dito, ipinahayag ni Frederica Mogherini, Mataas na Komisyoner ng EU sa mga suliraning panlabas at panseguridad, na inalis nito ang mga sangsyon sa pinansya at kabuhayan ng Iran batay sa naturang kasunduan.
Kaugnay nito, ipinahayag ni Ban Ki-moon, Pangkalahatang Kalihim ng United Nations (UN), ang pagtanggap sa mga kapasiyahan ng Amerika at EU. Sinabi niyang ang pag-iral sa komprehensibong kasunduan ng isyung nuklear ng Iran ay isang milestone sa lubos na paglutas sa isyung ito.
Dagdag pa niya, ito rin ay nagpapakita na ang diyalogo at paraang diplomatiko ang pinakamabisang paraan para mapigilan ang paglaganap ng mga sandatang nuklear.