HINAMON ng TF2016 (Task Force 2016), IBP (Integrated Bar of the Philippines) at LENTE (Legal Network for Truthful Elections) ang mga kandidatong maging tapat sa pamamagitan ng paglalabas ng datos kung saan nagmula ang kanilang salaping ginagamit sa kanilang kampanya.
Ito ang reaksyon ng tatlong grupo matapos lumabas ang ulat ng Nielsen Pilipinas hinggil sa gastos ng mga kandidato mula Enero hanggang Nobyembre ng taong 2015.
Ayon kay Atty. Rose Setias-Reyes, national president ng samahan ng mga abogado sa Pilipinas na siya ring pinuno ng LENTE, kailangang ihayag ng mga kandidato ang mga nag-ambag sa kanilang pagpaparamdam sa publiko sa pamamagitan ng mga patalastas sa radyo't telebisyon. Sa oras na ihayag nila ang pinagmulan ng kanilang panggastos, walang sinumang magdududa sa kanila.
Sa panig ni Atty. Rona Ann V. Caritos, executive director ng LENTE, ang paggasta sa halalan ay may koneksyon sa pagpapatakbo ng pamahalaan, katiwalian, pagkalat ng political dynasties, at labag sa batas na paggasta ng pondo ng pamahalaan.
Kung malaking negosyante ang gumagasta para sa mga kandidato, tiyak na ipagsasanggalang ang kalakal nito. Nararapat lamang na magpahayag na sila upang higit na maging mapanuri ang mga botante sa darating na halalan.