Ayon sa Xinhua News Agency, sa kanyang pakikipagtagpo sa Cairo, Ehipto, kahapon, Enero 21, 2016, kay Ali Abdelaal, Ispiker ng Parliamento ng naturang bansa, tinukoy ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na nitong 60 taong nakalipas, sapul nang maitatag ang relasyong diplomatiko ng Tsina at Ehipto, palagiang iginagalang at kinakatigan ng dalawang bansa ang isa't-isa. Aniya, umaasa ang Tsina na ang ika-60 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng dalawang bansa ay magdudulot ng pagkakataon para mapanatili ang pagtitiwalaang pulitikal, mapasulong ang pragmatikong kooperasyon, at mapalalim ang pagpapalitang pangkultura, at magkakasamang mapasulong ang komprehensibong estratehikong partnership ng dalawang bansa.
Idinagdag pa ng Pangulong Tsino na umaasa siyang mapapalakas ng dalawang bansa ang konstruksyon ng "One Belt, One Road" Initiative, at mapasulong ang kanilang pagpapalitan at pagtutulungan sa mga larangang gaya ng kakayahan ng produksyon, konstruksyon ng imprastruktura, pamumuhunan, komunikasyon, enerhiya, siyensiya't teknolohiya, kultura, edukasyon, turismo, at seguridad.
Hinahangaan naman ni Ali Abdelaal ang natamong tagumpay ng pag-unlad ng Tsina at mahalagang papel nito sa mga suliraning pandaigdig. Nakahanda aniya ang Parliamento ng Ehipto na palakasin ang pagpapalitan sa Pambansang Kongresong Bayan (NPC) ng Tsina.
Salin: Li Feng