HININGI ni Senior Deputy Prosecutor Theodore Villanueva kay dating Philippine Drug Enforcement Agency officer Col. Ferdinand Marcelino na ipakita ang prueba na mayroon siyang lehitimong operasyong ginagawa ng madakip sa isang drug bust kahapon ng madaling araw.
Dinala si Marcelino sa Department of Justice upang sumailalim sa inquest proceedings.
Sinabi ni Marcelino sa mga tagapagbalita na masasabi niya ng tapat na ginagawa lamang niya ang kanyang trabaho.
Idinagdag niyang naroon siya sa pook upang alamin ang impormasyon na kamilang natanggap at 'di nila batid kung ano ang naroon sa tahanan at aalamin pa lamang ang impormasyon.
Emosyonal si Marcelino ng humarap ng nakaposas sa mga mamamahayag. Idinagdag niyang kahit sino ang dumaan sa matinding pagsubok, seguridad ng mga mahal sa buhay, kinabukasan, buhay at reputasyon samantalang walang ginagawang masama ay magiging emosyonal.
Hindi niya umano maipagtatakwil ang bansa at kinabukasan dahil sa droga. Sumailalim din sa inquest proceeding ang Tsinong kinilala sa pangalang Yan Yi Shou.