MAY kaukulang leksyong itinuturo ang mga madudugong pangyayari sa bansa tulad ng naganap sa Mamasapano, Maguindanao noong nakalipas na taon. Ito ang sinabi ni Senate President Franklin M. Drilon sa isang pahayag.
Kasabay ng paggunita sa pagkasawi ng 67 katao na kinabibilangan ng 44 na opisyal at tauhan ng PNP Special Action Force, sinabi ni G. Drilon na dumanak na ang dugo sa kaguluhang nagaganap sa mga nakalipas na panahon. Kailangang mapigilan na ito at huwag sanang mapahamak ang kapayapaan sa bansa.
Hindi na kailangan pang may mga masawing kawal, pulis, mga rebelde at maging mga sibilyan. Huwag na sanang may mauulila, mga iba pang biktima at mga magsisilikas mula sa kanilang mga tahanan.
Nawa'y maging inspirasyon ang pagsasakripisyo ng 44 na bayani upang malampasan ang kaguluhan at maghari ang kapayapaan.
Nanawagan din si Senador Drilon sa mga autoridad na madaliin ang imbestigasyon upang mapanagot ang nagkasala.