SINABI ni Vice President Jejomar C. Binay na isang taon matapos mapaslang ang 44 katao ng PNP Special Action Force sa Mamasapano, Maguindanao ay nagluluksa pa rin ang bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ni G. Binay na kasabay ng pagdadalamhati at pagkilala sa mga napaslang ay patuloy na nananalangin at nananawagang lumabas nawa ang katotohanan at nang mabigyan ng katarungan at tuldok ang insidente.
Hindi pa rin nakakamtan ang mithing katarungan ng mga naulila sa likod ng maraming imbestigasyon ay 'di pa nababatid ang katotohanan. Kahit pa nagpalabas na ng salapi ang pamahalaan para sa mga naulila, umaasa pa rin ang mamamayang mabatid ang tunay na katotohanan.
Walang magaganap na paghihilom ng sugat sa mga naulila hanggang hindi natatampok ang buong katotohanan, dagdag pa ni G. Binay.