Ipinahayag kahapon, Biyernes, ika-29 ng Enero 2016, ni Jan Hatzius, punong ekonomista ng Goldman Sachs Group, na sadyang eksaherado ang naipahayag na epekto ng mabagal na paglaki ng kabuhayang Tsino sa pandaigdig na kabuhayan, lalung-lalo na sa kabuhayan ng mga maunlad na bansa.
Sa isang porum sa Beijing, sinabi ni Hatzius na mula sa kalakalan at pinansyo, dalawang pangunahing aspekto ng kabuhayan, maliit ang epekto ng mabagal na paglaki ng kabuhayang Tsino sa kabuhayan ng Amerika at Europa. Ito aniya ay batay sa pag-aaral ng mga mananaliksik ng kanyang kompanya.
Ayon naman kay Andrew Tilton, punong ekonomista ng Goldman Sachs Group sa Asya-Pasipiko, ang paglaki ng GDP ng Tsina sa 2016 ay tinatayang aabot sa 6.4%, at sa 2017 naman ay tinatayang aabot sa 6.3%. Ani Tilton, ang bahagdang ito ay nasa medium level, at ito ay angkop sa kalagayan ng kasalukuyang economic transition ng Tsina.
Salin: Liu Kai