Sinabi kahapon Pebrero 14, 2016 ng Kawanihang Pampahayagan ng Pangulo ng Rusya na ayon sa mungkahi ng Amerika, nag-usap sa telepono sina Pangulong Vladimir Putin ng Rusya at Pangulong Barack Obama ng Amerika. Sinang-ayunan nilang palakasin ang kooperasyon para sa pagsasakatuparan ng bunga ng ika-4 na pulong ng mga Ministrong Panlabas ng International Syria Support Group (ISSG). Samantala, ipinagpapatuloy ng Turkey ang pambobomba sa dakong hilaga ng Syria.
Ayon pa sa nasabing kawanihan, kumakatig ang mga pangulo ng dalawang bansa sa pagsisikap ng iba't ibang panig para mapasulong ang tigil-putukan sa Syria at pagpasok ng humanitarian aid.
Ayon naman sa ulat kahapon ng Anadolu Agency ng Turkey, patuloy na binobomba ng Turkey ang mga base ng Kurdish Democratic Union Party (KDUP) sa dakong hilaga ng Syria. Sinabi ni Ahmet Davutoğlu, Punong Ministro ng Turkey, na ang ginagawang pambobomba ay bilang tugon sa probokasyon ng armadong sangay ng KDUP.
salin:wle