Nag-usap kahapon, unang araw ng Pebrero 2016, sa Geneva si Staffan de Mistura, Espesyal na Sugo ng United Nations sa isyu ng Syria, at ang mga kinatawan ng paksyong oposisyon ng bansang ito. Ito ang unang pormal na pag-uusap ng dalawang panig sa kasalukuyang talastasang pangkapayapaan hinggil sa isyu ng Syria.
Pagkatapos ng pag-uusap, sinabi ni de Mistura, na isasagawa niya ang marami pang pakikipag-usap sa mga kinatawan ng pamahalaan at paksyong oposisyon ng Syria, para talakayin ang mga isyung kapwa pinahahalagahan ng naturang dalawang panig. Umaasa rin aniya siyang matatamo ang substansyal na progreso sa kasalukuyang talastasan, para magdulot ng kompiyansa sa mga mamamayan ng Syria.
Inulit naman ng tagapagsalita ng delegasyon ng paksyong oposisyon ng Syria ang mga kondisyon sa talastasan, na gaya ng pag-aalis ng blokeyo sa paksyong oposisyon, at pagpapahinto ng air raid ng Rusya sa Syria. Aniya pa, magsisikap ang paksyong oposisyon para lumahok sa prosesong pampulitika na naglalayong bigyang-wakas ang digmaan sa Syria, at nakita na nila ang positibong signal mula sa kasalukuyang talastasan.
Salin: Liu Kai