Muling nagpasabog kahapon, Pebrero 22, 2016, ng 31 dayuhang ilegal na fishing boat ang Indonesia.
Ipinahayag nang araw ring iyon ni Susi Pudjiastuti, Ministro ng Pangingisda ng Indonesia, na ang naturang mga fishing boat ay natuklasang pumasok sa islang nabibilang sa Indonesia, para mangisda. Dulot ng ilegal na pangingisda ng mga dayuhan, nawawalan ng halos 15 bilyong dolyares ang Indonesia bawat taon.
Ayon sa opisyal ng Ministri ng Yamang-dagat ng Indonesia, ang naturang 31 fishing boat ay mula sa Malaysia, Biyetnam, Pilipinas, at Myanmar.
Sapul nang manungkulan si Pangulong Joko Widodo ng Indonesia noong Oktubre, 2014, isinagawa niya ang mga konkretong hakbangin para mabigyang-dagok ang mga ilegal na fishing boat sa karagatan ng bansa. Aniya pa, hanggang sa kasalukuyan, mayroon nang 152 dayuhang ilegal na fishing boat ang pinasabog.
Salin: Li Feng