DARATING ngayon ang apat na mangingisdang Filipino mula sa Indonesia. Nadakip sila noong ika-30 ng Abril sanhi ng illegal na pangingisda sa karagatan ng Indonesia. Wala silang hawak na mga pasaporte at iba pang mga dokumento ng pumasok sa karagatan ng Indonesia.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, sa pakikipagtulungan sa Konsulado ng Pilipinas sa Manado, nabatid na ang mga mangingisda ay sakay ng KM Sta. Cruz, KM Sto. Tomas, KM San Jose at FB Vient. Magmumula sila sa Jakarta.
Hiniling ng Department of Foreign Affairs sa Department of Social Welfare and Development na salubungin ang mga mangingisda sa paliparan at pansamantalang patirahin sa kanilang tanggapan at tulungang makauwi sa General Santos City.
Mayroon pang 43 mga mangingisdang Filipino na nadakip ng mga kawal ng Indonesia sa illegal na pagpasok sa karagatan ng bansa ng walang kaukulang mga papeles. Inayos ng Philippine Consulate General sa Manado ang kanilang pamasahe pauwi sa Pilipinas. Naganap ito sa pakikipagtulungan sa mga autoridad ng Indonesia.