Washington D. C. Estados Unidos--Kinatagpo nitong Miyerkules, Pebrero 24, 2016 (local time) ni Bob Corker, Tagapangulo ng Komite sa Relasyong Panlabas ng Senado at iba pang mga senador, si Wang Yi, dumadalaw na Ministrong Panlabas ng Tsina.
Ipinagdiinan ng mga senador na Amerikano na napakahalaga ng relasyong Amerikano-Sino sa relasyong panlabas ng Amerika. Idinagdag pa nilang sa kabila ng pagkakaiba sa isyu ng karapatang pantao at isyu ng South China Sea, malawak ang komong interes at concern ng Amerika at Tsina sa mga suliranin na gaya ng pagbabagu-bago ng pandaigdig na kabuhayan, banta ng ekstrimismo, at pagpapalaganap ng mga sandatang nuklear. Kaya, kailangan pang pahigpitin ng dalawang bansa ang pagtutulungan, anila pa.
Ipinagdiinan naman ni Wang na sa ilalim ng masalimuot na pandaigdig na kalagayan, bilang dalawang impluwensyal na bansa, kailangang pasulungin ng Tsina at Amerika ang kanilang pag-uunawaan at pagtutulungan. Kaugnay ng isyu ng South China Sea, inulit ni Wang ang kahandaan ng Tsina na lutasin ang pagkakaiba, kasama ng mga direktang may kinalamang bansa, batay sa pandaigdig na batas. Hiniling din ni Wang sa Amerika na sundin ang pangako nito na walang kinikilingan sa nasabing isyu.
Tagapagsalin: Jade
Tagapagpulido: Rhio