Lumahok kahapon ng hapon, March 5, 2016, si Zhang Dejiang, Tagapangulo ng Pambansang Kongresong Bayan ng Tsina (NPC), sa talakayan ng delegasyon ng Zhejiang sa NPC, para suriin ang government work report ni Premyer Li Keqiang.
Ipinahayag ng mga kinatawan ng delegasyon ng Zhejiang ang mga mungkahi hinggil sa bagong ideya ng pag-unlad, pagpapataas ng kalidad at episiyensiya ng pag-unlad ng kabuhayan, at inobasyon.
Sinabi ni Zhang na dapat manalig sa kinabukasan ng pag-unlad ng Tsina, dahil ang kabuhayang Tsino ay mayroong matibay na pundasyon, mayamang karanasan ng pag-unlad at malakas na puwersa, at nakatagong lakas na dulot ng usapin sa reporma at pagbubukas sa labas nitong mahigit 30 taong nakalipas.
Sinabi pa ni Zhang na sa taong 2016, dapat maayos na isakatuparan ang mga nakatakdang hakbangin at target batay sa matibay na kalagayan ng iba't ibang lugar para pasulungin ang sustenableng pag-unlad ng lipunan at kabuhayan.
Salin: Ernest