SINABI ni Socioeconomic Planning Secretary at NEDA Director-General Emmanuel F. Esguerra na kailangang pag-ibayuhin ang mga natamong tagumpay sa pagsunod sa mga alituntunin ng pamahalaan.
Sa kanyang talumpati sa ika-27 pagpupulong ng League of Local Planning and Development Coordinators of the Philipppines, Inc.sa Holiday Inn sa Clark, Pampanga, sinabi ni Secretary Esguerra na dapat madaliin ng mga lalawigan, lungsod at bayan ang pagsunod sa Full Disclosure Policy. Bukod sa paglalabas ng impormasyon sa publiko, kailangang mapanatili at mapahusay ang proseso ng paglahok ng mga mamamayan sa pagpapatakbo ng pamahalaan.
Kailangang malutas ang mga problema sa pagpapatupad ng infrastructure programs at paghahatid ng serbisyo sapagkat mahalaga ito sa magiging takbo ng ekonomiya at sa buhay ng mga mamamayan.
Idinagdag pa ni Secretary Esguerra na ang pagbabalak ng mga pamahalaang lokal ay para sa kabutihan ng madla kaya't ang mga impormasyong tangan ng pamahalaan ay nararapat magmula sa pananaliksik at talakayan. Kailangan ito sa larangan ng kalusugan., edukasyon, disaster risk reduction at management, land use, environmental use at protection at maging infrastructure development.