IBINALITA ni Health Secretary Janette L. Garin na isang ulat mula sa US Centers for Disease Control and Prevention na mayroong isang US resident na dumalaw at nanirahan sa Pilipinas ng may apat na linggo noong Enero ang kumpirmadong may Zika virus. May sintomas siyang lagnat, pamumula ng balat, pananakit ng kasu-kasuan, pamumula ng mata at pamamakit ng kalamnan sa huling linggo ng pananatili sa Pilipinas bago umuwi sa America.
Nagtutulungan na umano ang Department of Health ng Pilipinas at US_CDC upang makuha ang profile o pagkakakilanlan ng pasyente kabilang na ang mga pook na kanyang dinalaw. Nakita ang sintomas ng Zika virus sa kanyang pag-uwi sa America, dagdag pa ni Secretary Garin.
Banayad lamang ang sintomas nito na tumatagal ng dalawa hanggang pitong araw. Karamihan ay walang sintomas ng karamdaman subalit may kakayahang maglipat ng impeksyon. Mula sa babaeng lamok na Aedes na siyang pinagmumulan din ng dengue at chikungunya. Naililipat din umano ang virus sa pamamagitan ng pakikipagrelasyong seksuwal at pagsasalin ng dugo.
Sinabi na ng World Health Organization na mayroong 55 bansang may local Zika transmission mula Enero 2007 hanggang Marso 3, 2016. Natagpuan na ang karamdaman sa American Samoa, Cambodia, Fiji, French Polynesia, Malaysia, Marshall Islands, Samoa, Solomon Islands, Tonga, Vanuatu, Lao People's Democratic Republic, Indonesia, Maldives at Thailand.