Ipinagdiinan nitong Linggo, Marso 13, 2016 ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang kahalagahan ng inobasyong teoretikal at teknolohikal para mapasulong ang kakayahang militar at tanggulang-bansa. Si Xi ay nanunungkulan din bilang Tagapangulo ng Central Military Commission ng Tsina.
Sa kanyang pakikipag-usap sa mga deputadong militar na kalahok sa idinaraos na taunang sesyon ng National People's Congress (NPC), punong lehislatura ng Tsina, binigyang-diin ni Xi na ang taong 2016 ay unang taon ng Ika-13 Panlimahang Taong Pambansang Plano (2016-2020) ng Tsina at dapat ipauna ng panig militar ang inobasyon at reporma para mapasulong ang administrasyong militar, kakayahan ng mga opisyal miltar at kahandaan sa sagupaan (combat readiness) ng hukbong Tsino.
Matatandaang ipinahayag ni Xi ang nasabing mensahe makaraang pasinayaan ng bansa ang General Command for the Army, People's Liberation Army (PLA) Rocket Force at PLA Strategic Support Force, noong Disyembre, 2015. Nitong Pebrero, 2016, muling inorganisa ng PLA ang dating pitong military area commands sa limang commands.
Noong unang hati ngayong Marso, sa budget report nito sa pambansang lehislatura, ipinahayag ng pamahalaang Tsino ang 7.6% bahagdan ng pagtaas ng 2016 defense budget na nagkakahalaga ng 954 bilyong yuan (mga 146 na bilyong U.S. dollars). Ito ang pinakamababang bahagdan ng paglaki ng defense budget nitong anim na taong nakalipas. Noong 2015, ang bahagdaang ito ay 10.1%.
Si Pangulong Xi (kaliwa) habang nakikipagkamayan sa mga deputadong militar sa taunang sesyon ng lehislaturang Tsino. Larawang kinunan March 13, 2016. (Xinhua/Li Gang)
Tagapagsalin: Jade
Tagapagpulido: Rhio