|
||||||||
|
||
HUMIGIT sa dalawang oras ang unang paghaharap ng mga kandidato sa pagkapangulo sa Capitol University Auditorium sa Cagayan de Oro City kagabi. Nagharap sina Vice President Jejomar C. Binay, Senador Miriam Defensor-Santiago, Davao City Mayor Rodrigo Duterte, Senador Grace Poe at dating Interior and Local Government Secretary Manuel Araneta Roxas II at sumagot sa mga tanong mula sa iba't ibang sektor ng lipunan.
Natuon ang debate sa mga programa sa pamahalaan, kung paano matutugunan ang problema sa kahirapan, pagsasaka at Mindanao. Ang mga tanong ay pawang pumasa sa pagsusuri ng Commission on Elections na nagtaguyod ng debate.
Sa debate kagabi, pinangasiwaan ito ng GMA TV Channel 7 at Philippine Daily Inquirer at naging mga tagapagtanong sina Mike Enriquez at Jessica Soho at Inquirer Online Edtor-In-Chief John Nery.
Sa pagsasalita ni Vice President Jejomar C. Binay, sinabi niyang dadalhin niya ang kanyang karanasan sa pagpapatakbo ng pamahalaan upang umasenso ang buhay ng mga mamamayan tulad ng kanyang ginawa sa Lungsod ng Makati.
Sa panig ni Senador Miriam Defensor-Santiago, sinabi niyang bukod sa kakayahan at karanasan, kailangan ang katapatan sa isang kandidato kung siya ang mahihirang na pangulo ng mga botante sa darating na Mayo.
Nangako naman si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na gagawin niya ang lahat upang masugpo ang kriminalidad at ang problemang dulot ng pagkagumon sa bawal na gamot. Naniniwala si G. Duterte na magagawa niya ito sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan ng panunungkulan. Sa oras na 'di siya magtagumpay ay magbibitiw na siya sa kanyang posisyon.
Kahit umano kulang sa karanasan ay handa siyang maglingkod bilang pangulo ng bansa. Ito ang sinabi ni Senador Grace Poe sa idinaos na debate ng mga kandidato sa Cagayan de Oro kahapon. Makabagong kaisipan ang kailangan dagdag pa ng mambabatas na noon lamang 2010 nagsimulang maglingkod sa gobyerno.
Sinabi naman ni dating Interior and Local Government Secretary Manuel Araneta Roxas II na ang panguluhan ay hindi para sa mga on-the-job trainees sapagkat mahirap mamuno sa isang bansang nahaharap sa maraming hamon. Ipagpapatuloy umano niya ang mga mabubuting nakamtan sa ilalim ng liderato ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |