|
||||||||
|
||
NANINIWALA sina dating Defense Secretary Norberto Gonzales at dating Flagship Projects Secretary Ernesto M. Ordonez na makakaapekto sa imahen at katayuan ng Pilipinas ang naganap na kontrobersyang kinasasangkutan ng US$ 81 milyong nakapasok sa financial system ng bansa.
MONEY LAUNDERING INCIDENT, KAHIHIYAN PARA SA BANSA. Ito ang sinabi ni dating Defense Secretary Norberto Gonzales (dulong kanan) sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat kaninang umaga. Marapat mapatalsik sa puesto ang mga may kinalaman sa pangyayaring ito matapos ang imbestigasyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas at Department of Finance. Na sa dulong kaliwa si Estrellita Mallo-Estabillo ng 247 RemitPlus. (Melo M. Acuna)
Sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat, sinabi ni Secretary Gonzales na kailangang magkaroon ng ibayong pagsisiyasat upang mabatid kung ano ang kakulangan ng bansa upang maiwasan ang mga katiwalian sa pananalapi.
Sa oras na matapos ang pagsisiyasat, sinabi naman ni Secretary Ordonez na marapat lamang na mapatalsik ang mga taong sangkot sa katiwalian.
Maaaring gawin ang pagsisiyasat ng Bangko Sentral ng Pilipinas at ng Department of Finance sapagkat kinikilala sina BSP Governor Amando M. Tetangco, Jr. bilang outstanding central bank governor samantalang outstanding finance secretary si Kalihim Cesar V. Purisima.
Ipinaliwanag ni Secretary Gonzales na higit na paniniwalaan ng international community ang gagawing imbestigasyon ng Bangko Sentral at Department of Finance kaysa ginagawang pagsisiyasat ng mga senador ng Blue Ribbon committee na kinatatampukan ng pagalingan at pagalingan ng mga argumento.
Naniniwala naman si Secretary Ordoñez na mahalaga rin ang ginagawang imbestigasyon ng Senado sapagkat nababatid ng madla sa pamamagitan ng media ang nagaganap.
Para kay Secretary Ordoñez, sa oras na madaliang matapos ang imbestigasyon, tiyak na makakabawi ang Pilipinas sa katayuan nito sapagkat maganda naman ang katayuan ng ekonomiya ng bansa. Maganda rin ang ratings na natatangap ng Pilipinas sa mga nakalipas na taon. Pansamantala lamang ang problemang ito.
SENADO, MARAPAT NA MAGSIYASAT. Naniniwala naman si dating Flagship Projects Secretary Ernesto M. Ordonez (gitna) na dapat ituloy ng Senado ang imbestigasyon sa money laundering sapagkat maibabalita ng media ang mga pangyayari. Makakabawi rin ang Pilipinas kung tama ang gagawin ng gobyerno laban sa mga may kagagawan ng kapalpakan, dagdag pa ni G. Ordonnez.
Bagaman, sinabi ni Secretary Gonzales na ang mga ratings tulad ng surveys ay namamanipula na rin kaya't hindi nararapat umasa ang publiko sa mga magagandang ratings at survey results.
Ipinakita naman ni Gng. Estrellita Mallo-Estabillo ng 247 RemitPlus ang kanilang bagong application upang matiyak na ligtas sa anumang kapahamakan ang remittances ng mga manggagawang Filipino mula sa ibang bansa.
Hindi umano magagamit sa money laundering ang kanilang sistema, dagdag pa ni Gng. Estabillo. Hindi nakarating ang kanilang isang opisyal sapagkat ipinatawag ng Bangko Sentral ng Pilipinas at Anti-Money Laundering Council upang ipakita ang teknolohiyang kanilang sinimulang gamitin.
Samantala, kinondena ng dalawang dating opisyal ng pamahalaan ang hindi pagsasama sa mga casino sa pagsusuri ng AMLA. Ayon sa kanila, sa Pilipinas lamang exempted ang mga casino sa pagsusuri ng pamahalaan.
Ayon kay G. Ordonez, sa 99 na sistemang ginagamit ng bansa ay walang anumang nakikitang problema maliban sa isa at ito'y dulot ng mga casino. Unang ipinasa at naging batas ang Anti-Money Laundering Act noong 2001 at kung ilang beses nang nagkaroon ng mga pagsusog.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |