|
||||||||
|
||
Washington D.C.—Nilagdaan nitong Miyerkules, Abril 13, 2016 ng World Bank (WB) at Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB) ang kauna-unahang co-financing framework agreement.
Batay sa pahayag ng WB, itinakda ng nasabing kasunduan ang co-financing parameters ng mga proyekto ng pamumuhunan ng WB at AIIB.
Ayon din sa pahayag, isang dosenang co-financed projects para sa taong ito ang tinatalakay ngayon ng dalawang bangko. May kinalaman ang mga proyekto sa transportasyon, tubig, enerhiya sa Gitnang Asya, Timog Asya at Silangang Asya.
Batay sa kasunduan, ang WB ay maghahanda at magsusuperbisa sa nasabing mga proyekto sa larangan ng procurement, environment at social safeguards.
Pinasalamatan ni Jin Liqun, Presidente ng AIIB ang mapagbigay at napapanahong suporta ng World Bank sa pasimulang yugto ng operasyon ng AIIB. Inaasahan aniya ng AIIB ang pangmatagalang kooperasyon sa WB sa co-financing at iba pang larangan.
Sinabi naman ni World Bank President Jim Yong Kim na ang paglagda sa kasunduan ay unang hakbang ng pakikipagtulungan sa AIIB bilang bagong partner, at ito aniya ay para matugunan ang napakalaking pangangailangang pang-imprastruktura ng buong daigdig.
Ayon sa World Bank, humigit-kumulang 1.2 bilyong tao sa daigdig ang walang access sa koryente at 2.4 bilyong tao ang walang saligang sanitation services.
Sa 2016, binabalak ng AIIB na aprubahan ang mga 1.2 bilyong U.S. dollar na financing at malaking bahagi nito ay para sa magkasanib na proyekto ng WB.
Itinatag ang AIIB noong 2015. Ang Pilipinas ay isa sa 57 bansang tagapagtatag ng bangkong ito.
World Bank President Jim Yong Kim (kanan) at Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB) President Jin Liqun na nagkakamayan makaraang lagdaan ang unang co-financing framework agreement ng dalawang bangko, sa punong himpilan ng World Bank sa Washington D.C., United States, April 13, 2016. (Xinhua/Yin Bogu)
Tagapagsalin/Tagapag-edit: Jade
Tagapagpulido: Mac
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |