|
||||||||
|
||
Labindalawang (12) kompanyang Pilipinong mula sa industriya ng turismo ang dinala ng Department of Tourism (DoT)-Beijing Office sa tatlong araw na China Outbound Travel and Tourism Market (COTTM) na kasalukuyang idinaraos sa Beijing Agricultural and Exhibition Center, April 12 hanggang 15, 2016.
Ayon kay Niel M. Ballesteros, Officer-in-Charge ng DoT-Beijing Office, taunan silang lumalahok sa COTTM, at dinadala aniya nila sa Tsina ang mga pribadong kompanyang mula sa Pilipinas na binubuo ng mga taga-resort, travel agency at airline company.
Ang dahilan aniya, ay para makipagtulungan ang mga ito sa mga travel company ng Tsina kung paano maka-develop ng isang magandang tour program na magugustuhan ng mga turistang Tsino.
Ani Ballesteroes, sa taong ito, kabilang sa mga Pilipinong kompanya na kalahok sa COTTM ay Sheridan Palawan, Princess Garden Palawan, Bellevue Bohol, Shangri-La Boracay, Crown Regency Cebu and Boracay, Luxus Travel and Tours, Blue Horizon, Cebu Pacific at marami pang iba.
Bilang ng mga turistang Tsino sa Pilipinas, patuloy na lumalaki
Rhio Zablan (kaliwa) at Genesis Renos (kanan) sa isang panayam
Sinabi ni Ballesteros, na maraming travel agency ng Tsina at turistang Tsino ang nagpupunta sa Philippine booth sa COTTM, at marami sa mga ito ang interesadong magbiyahe at dalawin ang Pilipinas.
Ayon pa sa tourism chief, ang Tsina ang siyang ikatlo sa dami ng mga turistang nagpupunta sa Pilipinas, sunod sa Amerika at Timog Korea.
Aniya pa, noong Enero 2016, nagkaroon ng 130 porsiyentong growth rate ang bilang ng mga turistang Tsino sa Pilipinas, samantalang noong Pebrero ng taong ito, lumaki naman ang bilang na ito sa mahigit 107 porsiyento.
Ani Ballesteros, 600,000 turistang Tsino ang target ng DoT-Beijing para sa 2016, at malaki ang posibilidad na ito ay maabot.
Noong taong 2015, mahigit 490,000 person-time na Tsino ang naglakbay sa Pilipinas. Ito ay lumaki ng 24.28% kumpara noong taong 2014, at ang bahagdang ito ang pinakamataas na paglaki kumpara sa ibang mga bansa.
Filipino Martial Arts (FMA), itinanghal
Pagtatanghal ng FMA sa harap ng Philippine booth
"Isang welcome activity ang Filipino Martial Arts (FMA) ngayong taon dahil nanggaling talaga sa Pilipinas ang Arnis," ito ang sinabi ni Ballesteros sa panayam sa Serbisyo Filipino.
Aniya pa, napakaganda na may performance ng Arnis sa Philippine booth ngayong taon dahil naipapakita natin sa mga kaibigang Tsino ang kulturang Pilipino.
"Nakikita ko na maraming Tsino ang magpupunta sa Pilipinas upang matutunan nila nang husto ang sining ng Arnis," aniya pa.
FMA demo team, kasama ang mga opisyal ng DoT-Beijing at Embahada ng Pilipinas sa Beijing
Ang FMA ay tinatawag ding Arnis/Eskrima/Kali at ito ay Katutubong Sining-Pilipino, na nagpapakita ng malalim na kultura at tradisyon ng mga Pilipino bilang isang bansa.
Reporter: Rhio Zablan
Photo credit: Genesis Renos
Web-editor: Vera
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |