Huwebes, ika-14 ng Abril 2016, ipinatalastas ng Monetary Authority of Singapore (MAS) ang pagpapaluwag sa patakarang pansalapi ng bansa, at pagtatakda ng pagtaas ng halaga ng nominal effective exchange rate (NEER) ng Singapore dollar sa serong porsiyento. Sanhi nito, bumaba ang exchange rate ng Singapore dollar sa US dollar.
Nang araw ring iyon, inilabas ng MAS ang kalahating taong patakarang pansalapi. Sinabi nitong ang aksyong ito ay alinsunod sa taya na patuloy na babagal ang paglago ng kabuhayan ng Singapore sa taong 2016. Ito rin anito ay para makontrol ang implasyon.
Nauna rito, ayon sa panayam ng Bloomberg News sa 18 ekonomista mula sa pribadong sektor, ipinalalagay ng 12 sa kanila na pananatilihin ng MAS ang umiiral na patakarang pansalapi hinggil sa matatag na pagpapataas ng halaga ng Singapore dollar.
Ipinatalastas din ng MAS na hindi magbabago ang fluctuation range at intermediate point ng Singapore dollar. Binigyang-diin nitong ang aksyong ito ay naglalayong itigil ang unti-unting pagtaas ng halaga ng NEER ng Singapore dollar, sa halip ng pagpapababa ng halaga nito. Pagpasok ng kasalukuyang taon, lumampas na sa 5% ang pagtaas ng halaga ng NEER ng Singapore dollar.
Salin: Vera