Martes, ika-29 ng Marso 2016, pormal na itinatag sa Beijing ang Sentro ng Pananaliksik sa Internasyunalisasyon ng RMB. Ang sentrong ito ay magkasamang inilunsad ng China Center for Financial Training ng People' s Bank of China,bangko sentral ng Tsina, at Nanyang Business School ng Nanyang Technological University ng Singapore. Kinakatigan ito ng Industrial and Commercial Bank of China (ICBC) at United Overseas Bank ng Singapore.
Sa seremonya ng pagtatatag, ipinahayag ni Stanley Loh Ka Leung, Embahador ng Singapore sa Tsina, na nagsisilbing pinakamalaking offshore yuan center ang Singapore, liban sa Tsina, at ang RMB ay isa sa 5 malaking salapi sa Singapore. Lipos ng kompiyansa aniya ang kanyang bansa sa pag-unlad ng kabuhayang Tsino sa hinaharap, at umaasang mapapalakas ang kooperasyong pinansiyal sa Tsina sa hakbang na may sustenableng pag-unlad.
Sinabi naman ni Wan Cunzhi, Puno ng China Center for Financial Training, na ang pagtatatag ng naturang sentro ay makakatulong sa pagpapalakas ng pagpapalitan ng impormasyon at pananaliksik na akademiko hinggil sa internasyunalisasyon ng RMB.
Salin: Vera