IBINALITA International Committee of the Red Cross na mayroong 13,000 katao sa Maguindanao ang wala sa kanilang mga tahanan sa nakalipas na dalawang buwan sa mga sagupaang nagaganap sa pagitan ng mga kawal ng pamahalaan at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF). Nakatanggap na sila ng rasyong pagkaing tatagal ng 15 araw mula sa Red Cross.
Kasama ng ICRC ang Philippine Red Cross sa pagdadala ng pagkain sa evacuation centers sa mga bayan ng Datu Saudi Ampatuan at Datu Salibo upang madagdagan ang kanilang pagkaing ibinigay ng pamahalaan mula ng magsagupaan noong Pebrero.
Nababahala si Pascal Porchet, pinuno ng ICRC delegation sa Pilipinas sa epekto ng labanan sa mga sibiliyan na nakararanas ng kahirapan sa mga nakalipas na dekada. Hirap sila sa punong-punong evacuation centers.
Problema pa rin ang hirap na dulot ng El Nino sapagkat napinsala rin ang kanilang mga sakahan at kabuhayan kaya't nabubuhay na lamang sila sa ayuda. Nakatanggap sila ng 25 kilong bigas, 12 lata ng sardinas, dalawang litro ng langis, dalawang litro ng toyo, dalawang kilong asukal at kalahating kilong asin.