"Ang pahayag mula sa Britanya hinggil sa isyu ng South China Sea ay lumalabag sa pangako nitong walang papanigan sa nasabing isyu. Tinututulan ito ng Tsina." Ito ang ipinahayag nitong Miyerkules, Abril 20, 2016 ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina bilang tugon sa pahayag ni Hugo Swire, Ministrong Panlabas ng Britanya noong Abril 18, 2016 sa Washington D.C. Ani Swire, ang matigas na patakarang isinasagawa ng Tsina ay nagdulot ng maigiting na kalagayan sa South China Sea, at susuportahan ng Britanya ang konklusyon ng international arbitration hinggil sa isyu ng South China Sea mula sa arbitral tribunal sa Huage.
Tinukoy ni Hua na ang umano'y maigting na kalagayan sa South China Sea ay ang bunga ng isang pagtatanghal na pampulitika na magkasamang isinasagawa ng Amerika at Pilipinas. Aniya, sa kasalukuyan, walang sagabal ang paglalayag ng mahigit 100 libong barko, kada taon mula sa ibat-ibang bansa sa naturang karagatan, pero, ang tanging pagbabago ay madalas na nakikita ang mga warship at eroplanong militar ng Amerika sa karagatan at himpapawid ng rehiyong ito. Dagdag pa ni Hua, ipinahayag kamakailan ng Embahador Amerikano sa Pilipinas na nakatakdang ibigay sa Pilipinas ang mga kasangkapang militar na nagkakahalaga ng 42 milyong dolyares, na kinabibilangan ng mga barko para sa pagmamanman. Ani Hua, pinatutunayan ng katotohanan na ang Amerika ay nagsisilbing tagapaglikha ng maigting na kalagayan sa South China Sea.
Nang mabanggit ang arbitrasyon sa South China Sea na unilateral na isinumite ng Pilipinas, ipinahayag ni Hua na ito ay isang paraang ginamit ng Pilipinas para itanggi ang soberanya ng Tsina sa Nansha Islands.
Ipinalalagay ni Hua na ang nasabing arbitrasyon ay nakasira sa United Nations Convention on Law of the Sea. Ang pagtatanggi ng Tsina sa nasabing arbitrasyon ay naglalayong pangalagaan ang mga pandaigdigang batas, dagdag pa niya.