|
||||||||
|
||
Inihandog gabi ng Huwebes, Abril 21, 2016, ni Consul General Julius Caesar Flores ng Pilipinas sa Xiamen ang welcome dinner para sa delegasyong Pilipino sa Ika-5 Nanyang (Southeast Asia) Culture Festival na nakatakdang buksan Biyernes, Abril 22, 2016 sa Xiamen, Fujian Province sa timog ng Tsina.
Si ConGen Flores na kinakapanayam ni Mac Ramos
Ayon kay ConGen Flores, sa taong ito ang Nanyang Festival na may temang Common Heritage, Shared Future, ay isa sa mga aktibidad bilang pagdiriwang sa ika-25 Anibersaryo ng China-ASEAN Dialogue Relations.
Ipinahayag din ni ConGen Flores na ngayong taon, kauna-unahang nagpadala ang Pilipinas ng malaking delgasyon dahil lumago na ang Nanyang Festival. Sa ngayon ito aniya ay isang 5-in-1 event.
Si ConGen Flores (gitna), at si Delfin Letran (ika-3 sa kaliwa) ng FFCCCII, kasama ang hosts ng Chinatown TV.
Aniya pa, sa taong ito bagong elemento ang Business Matching Workshop kung saan lalahok ang Davao delegation at Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc (FFCCCII).
Dagdag pa ni ConGen na ang Nanyang Movie Show ay ilulunsad din sa unang pagkakataon. Ito aniya ay magandang plataporma para itampok ang de-kalidad na mga pelikulang Pilipino.
Ang Nightingales ay magtatanghal ng OPM sa Opening Ceremony
Bukod dito, mayroon din aniyang Trade Fair, Nanyang Forum sa Edukasyon at Youth Exchanges, Nanyang Food Festival, at Tourism Carnival.
Lalahukan aniya ng delegasyong Pilipino ang lahat ng nasabing mga event.
Hangad ani ConGen Flores na magkaroon ang festival ng konkretong resulta sa mga negosyante ng Xiamen at mga mangangalakal mula sa mga bansang ASEAN.
Si Mac Ramos kasama ni Letran
Sinabi naman ni Delfin Letran, Vice President and Board Member ng FFCCCII na ang Nanyang Festival ay plataporma para ipakilala ng mga Pilipino at Tsino ang produkto ng isa't isa. Aniya pa, bukod sa pagpapalaki ng trade volume sa pagitan ng dalawang bansa, ang Nanyang Festival ay isang paraan para mapaganda ang relasyon ng Tsina at Pilipinas.
Sa taong ito, pagtutuunan ng pansin ng delegasyon ang pagsusulong ng negosyo ng agrikultura at turismo.
Ang Nanyang Culture Festival na nagsimula bilang Nanyang Food and Culture Festival noong 2008 ay idinaraos kada dalawang taon.
Ulat: Mac/Jade
Photographer: Ernest
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |