|
||||||||
|
||
Bilang pasimula ng workshop, ang mga kinatawan mula sa Pilipinas, Xiamen section ng Fujian Pilot Free Trade Zone, Xiamen Municipal Government, Indonesia at Thailand ang nagbahagi ng impormasyon hinggil sa kapaligirang pangnegosyo at pampamumuhunan at yamang panturismo ng kani-kanilang bansa.
Ria Gorospe, Consul ng Philippine Consulate General sa Xiamen
Sa Philippine presentation, ibinahagi ni Ria Gorospe, Consul ng Philippine Consulate General sa Xiamen na ngayon ang pinakamagandang panahon para mamuhunan sa Pilipinas. Ang Pilipinas aniya ay nagpapatupad ng mga liberal na polisya at insentibo para sa mga mamumuhunang dayuhan. Dagdag niyang bukod sa estratehikong lokasyon ng Pilipinas, handa na rin ang mga pasilidad ng Special Economic Zones sa Pilipinas para tumanggap ng mga dayuhang bahay-kalakal. Sa pamamagitan ng isang audio-visual presentation ipinakita ng Pilipinas ang kasiyahan ng mga kompanyang tulad ng Unilever,Transco at Continental sa pamumuhunan sa bansa. Ipinakita rin ang kanilang mataas na pagtasa sa kakayahan ng manggagawang Pilipino lalo na sa wikang Ingles at work values.
Niel Ballesteros, Department of Tourism Attaché sa Mainland Tsina
Samantala, para sa sector ng turismo, inanyayahan naman ni Niel Ballesteros, Department of Tourism Attaché sa Mainland Tsina ang mga taga-Xiamen na dalawin ang Cebu at Bohol na may kumpletong mga pasilidad na panturista. Sa kasalukuyan aniya may direktang flights mula Xiamen tungong Cebu. Aniya pa, laging nakangiti ang mga Pilipino at masayang tatanggapin ang mga bisita mula sa Tsina. Sa kasalukuyan patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga turistang Tsino sa Pilipinas at inaasahang tataas pa sa naitalang 600,000 tourists matapos ang kalagitnaan ng taon.
Mga kalahok sa business matching workshop
Ang Davao delegation at Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc (FFCCCII) ay lumahok sa business matching.
Ang Nanyang Culture Festival na nagsimula bilang Nanyang Food and Culture Festival noong 2008 ay idinaraos kada dalawang taon. Sa taong ito, ito ay isa sa mga aktibidad bilang pagdiriwang sa ika-25 Anibersaryo ng China-ASEAN Dialogue Relations.
Bukod sa business matching, tampok din sa pestibal ang Nanyang Movie Show, Trade Fair, Nanyang Forum sa 21st Century Maritime Silk Road at ASEAN Integration, Nanyang Food Festival at Tourism Carnival.
Ulat: Mac/Jade
Photographer: Ernest
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |