Ipinahayag kahapon, Sabado, ika-23 ng Abril 2016, ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina, na sa kanyang pagdalaw kamakailan sa Brunei, Kambodya, at Laos, nakipagpalitan siya ng palagay sa mga lider ng mga bansang ito, hinggil sa kalagayan ng South China Sea.
Ani Wang, narating nila ang mga mahalagang komong palagay hinggil sa isyu ng South China Sea. Una, ang hidwaan sa ilang isla at reef ng Nansha Islands ay hindi isyu sa pagitan ng Tsina at ASEAN, at hindi dapat ito makaapekto sa relasyong Sino-ASEAN. Ikalawa, dapat igalang ang karapatan ng iba't ibang bansa, na piliin ang paraan ng paglutas sa hidwaan batay sa pandaigdig na batas, at hindi dapat isagawa ang unilateral na aksyon. Ikatlo, batay sa Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea, dapat igiit ang paglutas sa hidwaan sa teritoryo at karapatang pandagat sa pamamagitan ng diyalogo at pagsasanggunian ng mga bansang may direktang kinalaman sa isyung ito. At ikaapat, may kakayahan ang Tsina at mga bansang ASEAN, na sa pamamagitan ng kooperasyon, pangalagaan ang kapayapaan at katatagan sa South China Sea, at dapat patingkarin ng mga bansa sa labas ng rehiyong ito ang konstruktibong papel para rito.
Salin: Liu Kai