MATAPOS ang mainitang kampanya at mga akusasyon sa loob ng siyamnapung araw na pangangampanya para sa panguluhan, pangalawang panguluhan at pagka-senador, sinabi ni Arsobispo Socrates B. Villegas, pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na marami ang nagsasabing huwag makialam ang simbahan sa politika.
Nagkataong hindi mapipigil ng Simbahang magsalita. Walang anumang ambisyon ang Simbahang makamit ng poder at hindi rin magggagawad ng anumang kautusan sa madla hinggil sa mga napipisil na kandidato sa halalan. Hindi malilimutan ng Simbahan na magpa-alala sa madla kung ano ang matuwid at kung ano ang hinihingi sa mga alagad o mananampalataya.
Tapos na ang botohan at nauwi na sa pagbibilang. Tiniyak ni Arsobispo Villegas ang panalangin ng buong Simbahan para sa mga nagwagi partikular sa biyaya ng maayos na kaisipan upang mabatid kung ano ang ninanais ng Panginoong Diyos para sa mga mamamayan. Idinagdag pa ni Arsobispo Villegas na kailangan ng mga bata ang maayos na pagkilala sa batas. Maraming kababaihan ang nararapat iligtas mula sa mapang-aping mga hanapbuhay, Kailangan ding maipagkanlong ang mga katutubo. Ang mga sektor na ito ang 'di nakikinabang sa yaman ng mga Filipino.
Para sa mga hindi nagtagumpay, ang iniaalok ng Diyos ay higit pa sa panunungkulan ang nalalaan para sa inyo, dagdag pa ni Arsobispo Villegas..