Ibinahagi sa preskon, kahapon, Martes, ika-11 ng Mayo 2016, ni Tagapagsalita Lu Kang ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang dahilan kung bakit nagkaroon ng bunga sa maikling panahon ang Silk Road Economic Belt at 21st Century Maritime Silk Road o "Belt and Road" initiative, dahil ito aniya ay angkop sa tunguhin ng kapayapaan at kaunlaran ng daigdig, at hangarin at interes ng iba't ibang bansa sa kooperasyon.
Kamakailan, may mga positibong pahayag hinggil sa "Belt and Road" initiative. Anang isang media ng Britanya, nagdulot ito ng aktuwal na benepisyo sa Gitnang Asya at rehiyon ng Caucasus. Sinabi naman ng isang ekonomistang dayuhan, na dahil sa mga maayos na hakbangin ng Tsina sa pagpapasulong ng "Belt and Road" initiative, napawi ang mga pagduda sa inisyatibong ito.
Kaugnay nito, sinabi ni Lu na bukas at inklusibo ang "Belt and Road" initiative. Sa pamamagitan nito aniya, nakakapagtamasa ang mga kalahok na bansa ng sariling interes sa iba't ibang aspekto, na gaya ng pagpapalakas ng connectivity, pagpapalawak ng pamilihan, pagdaragdag ng pangangailangan at hanapbuhay, pagpapabuti ng pamumuhay ng mga mamamayan, pagpigil sa ekstrimismo, at iba pa.
Salin: Liu Kai