Sochi, Rusya--Ipinahayag Huwebes, Mayo 19, 2016 ni Pangulong Vladimir Putin ng Rusya na ang kasalukuyang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)-Russia Summit ay magpapasulong ng partnership ng dalawang panig sa bagong antas. Idinaraos ang nasabing summit mula Mayo 19 hanggang 20.
Sa isang resepsyon nitong Huwebes na inihandog niya sa mga kalahok na lider ng ASEAN, sinabi ni Putin na sa kauna-unahang pagkakataon, idinaraos sa Rusya ang nasabing summit, at nagpapakita ito ng pagpapahalaga ng ASEAN sa relasyon nito sa Rusya. Dagdag pa niyang nagkakapareho ang paninindigan ng Rusya at ASEAN sa iba't ibang isyu. Umaasa aniya siya, na palalawakin ng summit ang pagtutulungan ng dalawang panig sa pulitika, kabuhayan, kultura, at seguridad na panrehiyon at pandaigdig. Idinagdag pa ni Putin na sang-ayon din ang dalawang panig na pahigpitin ang pagtutulungan sa malalaking proyektong pangkabuhayan sa rehiyon ng Asya-Pasipiko.
Ito ang ika-3 summit sa pagitan ng Rusya at ASEAN. Idinaos sa Kuala Lumpur at Hanoi ang una at ika-2 summit noong 2005 at 2012, ayon sa pagkakasunod.
Tagapagsalin: Jade
Tagapagpulido: Rhio