NAGBABALA ang research group na IBON sa masyadong pag-asa mula sa epekto ng nakalipas na halalan sa ekonomiya ng bansa. Sa isang pahayag, sinabi ng tanggapan na hindi ito senyal ng tagumpay sa larangan ng ekonomiya.
Hindi pa rin nawawala ang madalas na kawalan ng hanapbuhay at kahirapan. Naunang ibinalita ng Philippine Statistics Authority at National Economic and Development Authority na umunlad ang ekonomiya ng 6.9% sa larangan ng Gross Domestic Product noong isang linggo at nasabing pinakamabilis sa Asia ay naunahan pa ang Tsina na nagkaroon ng 6.7% growth at mga mga bansang Vietnam, Indonesia at Malaysia dahil sa "strong economic fundamentals."
Kahit pa nagkaroon ng 6.9% growth, na sa Pilipinas pa rin ang pinakamalubhang kawalan ng trabaho sa Asia. Sa pinakahuling labor force survey, nabatid na ang official unemployment sa Pilipinas ay 5.8% noong nakalipas na Enero 2016.
Ang unemployment rates sa mga mas mabagal na ekonomiya sa rehiyon ay hamak na mababa tulad ng Tsina na nagkaroon lamang ng 4.0%, Vietnam, 2.3%, Indonesia, 5.5%, Malaysia 3.5% at Thailand na nagtaglay ng 1.0%. Ang kaunlaran ay 'di maasahang indicator ng matatag ang ekonomiya ng bansa.