NAGBABALA si Atty. Romulo Macalintal, isang election lawyer, na mananagot sa batas si Las Pinas City Representative Mark Villar kung magmamadaling manumpa bilang kalihim ng Department of Public Works and Highways matapos i-alok ni incoming president Rodrigo Duterte ang puesto.
Sa isang panayam, sinabi ni Atty. Macalintal na mayroong Article 234 ng Revised Penal Code na nagsasaad ng aresto mayor at multang hindi hihigit sa isang libong piso sa sinumang nahalal sa public office na tatanggi ng walang legal na motibong gampanan ang kanyang gawain ayon sa pagkakahalal.
Ang legal na paraan ay manumpa muna si Villar upang maluklok sa puesto bilang congressman at magtungo sa Kongreso at saka magbitiw. Sa kabilang dako, sinayang ni Villar ang pagtitiwala ng mga mamamayan ng Las Pinas sa paghalal sa kanya.
Mayroon ding isyung moral sa usaping ito, dagdag pa ni Atty. Macalintal sapagkat noong nangangampanya si Mark Villar sa kanilang lungsod ay walang sinabing tatanggap ng anumang appointment sa ehekutibo.