Naganap ang teroristikong atake sa United Nations Multi-dimensional Integrated Stabilization Mission (MINUSMA) sa Gao, Mali. Isang Tsino ng nasabing misyon ang namatay at 4 na iba pa ang nasugatan. Isa sa mga sugatan ay nasa malubhang kalagayan.
Sa ngalan ng hukbong Tsino, ipinahayag ni Wu Qian, Tagapagsalita ng Ministri ng Tanggulang-bansa ang pagkagulat at kondemnasyon sa nasabing sakuna. Ipinahayag din niya ang pakikiramay sa nasawing sundalong pamayapang Tsino at sa kanyang kamag-anakan. Nangumusta rin siya sa mga sugatan.
Sinabi rin ni Wu na bilang pirmihang miyembro ng UN Security Council, patuloy ring kakatig ang Tsina sa misyong pamayapa ng UN, at makikilaban sa terorismo sa anumang porma para mapangalagaan ang kapayapan ng daigdig.
Nang araw ring iyon, inatake rin ang base ng UN Mine-defusing project sa Gao na ikinasawi ng dalawang guwardiyang Mali at isang dalubhasang Pranses.
Ang Al-Qaida in the Islamic Maghreb (AQIM) ay umaming may kagagawan sa nasabing dalawang teroristikong atake.
Tagapagsalin: Jade
Tagapagpulido: Mac