HINAMON ng iba't ibang non-government organizations ang Asian Development Bank na aktibong kumilos upang mapigil ang pagbubuga ng greenhouse gases sa kapaligiran bago pa man sumapit ang taong 2060.
ASIAN DEVELOPMENT BANK, TINULIGSA. Nagtipon ang mga kabilang sa non-government organizations tulad ng Freedom from Debt Coalition at NGO Forum on ADB sa harapan ng pangrehiyong bangko upang kondenahin ang pagtustos ng malaking institusyon sa mga coal-fired power plants sa rehiyon. (Melo M. Acuna)
Sa isang pahayag na inilabas kasabay ng kanilang pagpoprotesta sa harap ng Asian Development Bank, sinabi ng grupo kung nais na mapanatili ang global warming sa 1.5 degrees Celsius sa taong 2100 tulad ng pinagkasunduan sa Paris noong nakalipas na taon, dapat magkaisa ang madla sa pagpigil sa masamang usok.
Mahal pa rin umano ang kuryenteng nakararating sa mga kanayunang tinitirhan ng may 622 milyong katao. Mayroong single-track economic growth sa pangangailangan sa kuryente ng mga transnational at multinational corporations.
Tinuligsa ng grupo ang pangangapital ng Asian Development Bank sa coal-fired power plants.