Nawala kamakailan ang dalawang eroplano ng Biyetnam sa karagatan ng Beibu Gulf. Kaugnay nito, ipinahayag nitong Lunes, Hunyo 20, 2016 ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na pagkaraang matanggap ang kahilingan mula sa Biyetnam para sa pagbibigay-tulong, agarang nagsagawa ang Tsina ng paghahanap at pagliligtas sa dalawang nawawalang eroplano.
Inilahad ni Hua na sa kasalukuyan, 32 beses nang naglayag ang mga barko at 6 na beses na ring lumipad ang mga eroplano ng Tsina upang hanapin ang mga naturang nawawalang sasakyang panghimpapawid ng Biyetnam. Pero, sa kasalukuyan, di-pa aniya nakita ang nasabing dalawang eroplano.
Binigyang-diin ni Hua na bilang mapagkaibigang kapitbansa ng Biyetnam, ipagpapatuloy ng Tsina ang paghahanap at pagliligtas sa mga nawawalang eroplano.
Isang Russian-made SU-30 fighter jet ng Hukbong Panghimpapawid ng Vietnam ang nawala sa radar noong ika-14 ng Hunyo sa Beibu Gulf. Nawala rin ang kontak sa piloto ng eroplano.
Noong ika-16 naman, isa pang eroplano ng coastguard ng Biyetnam na may lulang 9 na tripulante ang nawala rin habang hinahanap ang unang nawawalang fighter.
Makaraang mawala ang ikalawang eroplano, hiniling ng Biyetnam sa Pasuguan ng Tsina na tumulong sa paghahanap ng mga ito.