|
||||||||
|
||
Xiamen, Tsina--Idinaos gabi ng Miyerkules, Hunyo 22, 2016, sa Kempinski Hotel ang ika-118 Araw ng Kasarinlan ng Pilipinas.
Poster ng Kalayaan 2016 sa Xiamen, Fujian, Tsina
Sina ConGen Flores (gitna), Wang Tianming (ika-2 sa kanan), Deputy Director General ng Fujian Provincial Government Foreign Affairs Office (FAO), Guo Guirong (ika-2 sa kaliwa), Vice Mayor ng Xiamen bago magsimula ang resepsyon
Mainit na tinanggap ni Consul General Julius Caesar Flores at mga diplomata ng Konsulado ng Pilipinas sa Xiamen ang mga bisitang kinabibilangan nina Wang Tianming, Deputy Director General ng Fujian Provincial Government Foreign Affairs Office (FAO); Guo Guirong, Vice Mayor ng Xiamen, at mga kinatawan ng iba pang konsulado at tanggapang pampamahalaan sa lalawigan. Nakisaya rin ang mga Pilipino sa nasabing salu-salo.
Si ConGen Flores habang nagbibigay ng mensaheng panalubong kung saan ibinahagi niya ang bunga ng tatlong taon niyang panunungkulan sa Xiamen
Sa kanyang pambating panalubong sinabi ni Consul General Flores, batay sa tema ng selebrasyon ngayong taon "Kalayaan 2016: Pagkakaisa, Pag-aambagan, Pagsulong," ang kasarinlan ang tunay na panukat ng lakas ng bansa at mga mamamayan. Kinikilala nito ang papel ng lahat ng mga Pilipino kabilang ang mga mangagawang nasa ibang bayan sa pagsusulong ng kaunlaran.
Ceremonial Toast para sa pagkakaibigang Pilipino-Sino
Ibinahagi rin niya na nagbunga ito ng magandang kalagayan ng ekonomiya ng bansa na lumago ng 6.9% sa unang kuwarter ng 2016. Ang positibong pagtasa ng credit ratings agencies at ang magandang kalagayan ng Pilipinas para sa pamumuhunan ay nagsusulong sa bansa upang mas maging kumpetitibo sa larangan ng kalakalan sa buong daigdig.
Sina ConGen Flores (ika-3 sa kanan, unang hanay), Wang Tianming (ika-2 sa kanan), Deputy Director General ng Fujian Provincial Government Foreign Affairs Office (FAO), Guo Guirong (ika-4 sa kanan), Vice Mayor ng Xiamen habang tinutugtog ang pambansang awit ng Pilipinas sa resepsyon
Ngayong magsisimula ang bagong liderato sa Pilipinas at manunungkulan ang bagong mga opisyal ng pamahalaan, hangad ni Consul General Flores na puspusan pang hanapin ang mga pagkakataon ng pagpapalitan sa pagitan ng Tsina at Pilipinas, maging ang mga mamamayan ng dalawang bansa. Dagdag niya patuloy niyang payayabungin ang relasyong bilateral sa pagitan ng mga sister cities/provinces na gaya ng Cebu at Xiamen at Bohol at Jiangxi.
Group photo ng mga kawani ng Konsulado ng Pilipinas sa Xiamen, Fujian province, Tsina, bago magsimula ang resepsyon
Sa hinaharap plano niyang ibayo pang pasiglahin ang bilateral na relasyon, kalakalan, turismo at pagpapalitang kultural sa pagitan ng dalawang panig.
Fujian at Pilipinas, may mahaba at malalim na ugnayan
Wang Tianming, Deputy Director General ng Fujian Provincial Government Foreign Affairs Office
Ayon naman kay Wang Tianming Deputy Director General ng Fujian Provincial Government FAO sa kanyang mensaheng pambati, ang Fujian ay may mahaba at malalim na ugnayan sa Pilipinas. Ipinahayag din niya ang pagpapahalaga sa tulong ng konsulado sa pagsusulong ng bilateral kooperasyon sa iba't ibang larangan. Noong 2015, lumago ang trade volume ng Fujian at Pilipinas sa $5.62 Bilyon Dolyares. Ngayon may 1,360 Philippine funded projects sa Fujian at ang pamumuhunan ay umabot sa $2.9 Bilyon Dolyares. Bilang Core Area ng 21st Century Maritime Silk Road, palalakasin pa ng Fujian ang ugnayan sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) kung saan kabilang ang Pilipinas. Aayunan anito ang prinsipyo ng pagiging bukas, napapabilang, kooperatibo at win-win upang palakasin ang pagpapalitan at kooperasyon sa Pilipinas.
Pilipinas, ika-11 pinakamalaking mamumuhunan sa Xiamen
Ibinahagi naman ni Vice Mayor Guo Guirong na nasa ika-11 puwesto ang Pilipinas sa talaan ng mga pinakamalaking mamumuhunang dayuhan sa Xiamen. Aniya may 204 bahay-kalakal na Pilipino ang nagbukas ng negosyo sa lunsod at umabot sa US$ 280 million ang capital inflow sa lunsod. Bukod sa kalakalan, masigla rin ang pagdadalawan sa pagitan ng mga opisyal ng dalawang bansa, kabilang dito ang pagpasyal sa Xiamen nina Manila Mayor Joseph Estrada at Vice Mayor Davao Mayor Paolo Duterte kamakailan.
Vice Mayor Guo Guirong ng Xiamen habang nagtatalumpati
Sa pagbubukas ng Xiamen-Cebu flight ng Xiamen Airlines inaasahan ni Vice Mayor Guo na mas magagaling maalwan pa ang pagpapalitan sa pagitan ng dalawang "sister cities". Liban sa "Belt and Road Initiative," sa pamamagitan ng "Beautiful Xiamen" strategy inanyayahan niya ang Pilipinas na makilahok at gamitin ang maraming mga pasilidad ng lunsod para sa mas masaganang kalakalan.
Ulat: Mac/Jade
Larawan: Ernest
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |