Martes, ika-21 ng Hunyo, 2016, idinaos ng National Institute for South China Sea Studies ng Tsina at Ocean Policy Research Foundation (OPRF) ng Sasakawa Peace Foundation ng Hapon ang simposyum hinggil sa koordinasyon at kooperasyon sa isyung pandagat ng Silangang Asya.
Sa naturang simposyum, nagpalitan ng kuru-kuro ang kapuwa panig tungkol sa pangangasiwa sa dagat, pangangalaga sa kapaligirang pandagat, pangangasiwa sa yamang pandagat, seguridad at diplomasyang pandagat, at target ng balangkas ng kooperasyon, Nagkaroon ng komong palagay ang mga delegado sa ilang isyu.
Sa isang magkasanib na preskon sa Tokyo, sinabi ni Wu Shicun, Puno ng National Institute for South China Sea Studies ng Tsina, na pawang ipinalalagay ng mga iskolar ng kapuwa panig na sa isyu ng East China Sea, ang pinaka-importante ay pagpigil sa krisis. Dapat aniyang talakayin ng kapuwa panig ang kung paano itatatag ang mabisang mekanismo ng pangangasiwa at pagkontrol sa krisis. Aniya pa, ang pagtatatag o hindi ng nasabing mekanismo ay depende sa digri ng pagtitiwalaang pulitikal ng dalawang bansa.
Nang sagutin ang tanong ng mga mamamahayag na Hapones hinggil sa South China Sea arbitration, binigyang-diin ni Wu na ang esensya ng alitan ng Tsina at Pilipinas sa South China Sea ay isyu ng teritoryo, soberanya at demarkasyong pandagat. Aniya, hindi angkop sa isyung ito ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at walang karapatan sa pangangasiwa nito ang arbitration tribunal. Dagdag pa ni Wu, ang kilos ng Pilipinas ay labag sa pangako nito sa paglutas sa mga alitan, sa pamamagitan ng diyalogo at talastasan.
Salin: Vera