SINABI ni incoming Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar na isang inspiring speech ang maririnig kay incoming President Rodrigo Roa Duterte sa darating na Huwebes, ika-tatlumpu ng Hunyo.
Sa isang press briefing sa Davao City, sinabi ni G. Andanar na dadalawang pahina lamang ang talumpati ng papasok na pangulo ng bansa. Bagaman, niliwanag pa ni G. Andanar na may "full editorial control" si Pangulong Duterte sa kanyang talumpati.
Mula sa 500 kataong panauhin, lumaki na ito at umabot sa 627 katao. Darating sa Malacanang si G. Duterte sa ganap na ika-sampu't kalahati ng umaga. Magsisimula ang inauguration rites sa ganap na ika-12 ng tanghali at matatapos sa ganap na ikatlo ng hapon.
Idinagdag pa ni G. Andanar na si Pangulong Duterte mismo ang magpapasumpa sa kanyang mga kasama sa gabinete. Walang anumang tradisyunal na Vin d'Honneur at limitado ang pagkakaroon ng diplomatic reception.
Walang balita kung aanyayahan si Vice President Leni Robredo sa okasyon.